Tunay nga bang makakamit natin ang ₱20 na bigas sa Pilipinas?
Para sa ating mga Pilipino, ang bigas ay hindi lamang pagkain, ito ay bahagi na ng ating kultura kung kaya't ang patuloy na pagtaas ng presyo nito ay nagdudulot ng pagkabahala sa karamihan. Marami ang nagtatanong kung kailan kaya matutupad ang pangako ni Pangulong Marcos na P20 na bigas, may pag-asa pa bang bumaba ang presyo nito o patuloy pa itong tataas?
Noong Pebrero, nagdeklara si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. ng “food security emergency on rice” dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas. Bilang tugon, nagrekomenda ang National Price Coordinating Council (NPCC) na ilabas ang bigas na nakaimbak sa mga bodega ng NFA upang mapababa ang presyo nito sa P38/kilo. Ang pamamahagi ay isasagawa sa pamamagitan ng mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan, diretso sa mga palengke. Tinatayang 300,000 tonelada ng bigas ang ilalabas ng NFA.
Ngunit, nababahala ang ating mga magsasaka dahil maaaring hindi na sila bilhan ng kanilang mga pananim. Ngunit ayon sa NPCC, makikinabang din sila dahil bibili muli ang NFA ng bigas sa kanila upang mapuno ang mga bodega nito. Sana nga ay mangyari ito. Sa ngayon, dehado ang ating mga magsasaka dahil sa dami ng imported na bigas. Sa Capiz, Roxas City, at iba pang mga probinsya, ramdam ang epekto ng importasyon sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Sinisisi rin ng gobyerno ang mga negosyanteng mapagsamantala. Bumababa ang kanilang mga binabayarang buwis sa pag-angkat ng bigas, ngunit hindi nila ito agad inilalabas sa merkado, sa halip ay itinatambak upang tumaas ang presyo. Nakapagtataka na sa kabila ng ating yaman sa agrikultura, hindi natin kayang tapatan ang produksyon ng palay sa ating pagkonsumo ng bigas.
Kaya naman, kailangan nating umangkat ng bigas, na nagiging kompetisyon ng ating mga lokal na magsasaka. Ang bigas ay nagbibigay sa atin ng lakas upang harapin ang mga pagsubok sa buhay. Hindi pa natin masasabi kung kailan babawiin ni Tiu Laurel ang “food security emergency”. Siya lamang ang makakapagsabi kung kailan matatapos ang programang ito. Samantala, ito ay napatupad na sa iba't ibang probinsya ng Pilipinas, tulad na lamang ng Capiz, Iloilo, Masbate, at iba pa.

No comments:
Post a Comment